ISANG panibagong plunder case ang inihain ni dating senador Antonio Trillanes IV sa Department of Justice (DOJ) laban sa dating Pangulong Rodrigo Duterte, dating Special Assistant to the President at ngayo’y Senator Bong Go, Admiral Robert Empedrad, ilang opisyal ng Department of National Defense (DND), at iba pa.
Ayon sa Trillanes, ito ay tungkol sa P16-bilyon “frigate scam” kung saan aniya ay nagmaniobra sina Duterte at Go para paburan ang isang pribadong contractor.
Sinabi ni Trillanes na napaka-importante ng kaso na ito para maging ehemplo sa mga susunod na kontrata ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Modernization Program na dapat yung end user, yung branch of service, ang masusunod.
Iginiit nito na dapat masunod ang kailangan sa ground at ano ang ikabubuti ng mga sundalo at hindi yung mga kagustuhan ng mga kontratista at mga korap na opisyal — sa DND man o Malakanyang.
“So yun ang gagawin nating standard kaya kailangan natin i-file ang kaso na ito,” pahayag ng dating senador.
Ibinunyag ni Trillanes na ang pinaka-maanomalya sa nangyari ay ang pagbibigay ng specifications sa Philippine Navy sa kung ano ang kailangan nila na gamit kung saan ito ay idinaan sa bidding process.
Nanalo aniya ito sa bidding ngunit biglang iniba ng kontratista ang mga napag-usapan.
Nang pumalag ang Philippine Navy, pinatanggal aniya ng dating Pangulo ang dating flag-officer-in-command at naglagay ng isang bata na opisyal na kayang tanggapin ang maanomalyang kontrata kaya dumagdag ang kita ng private contractor.
Sinabi ni Trillanes na may mga documentary evidence na may mga tao na nakinabang sa maanomalyang kontrata.
“Meron pa tayong mga ibang iniimbestigahan kasi napakarami talagang ginawang anomalya. Kung nagugulat ang mga kababayan natin bakit palaging nagpa-file ng kaso kasi ngayon lang po tayo nagkaroon ng pagkakataon na mag-file dahil siguradong i-wa-white wash nila yan, iri-railroad nila kung nai-file man yan nung panahon ni Duterte.”

