HUMINGI ng tawad at paumanhin si Angelica Yulo, ina ng two-time Paris Olympics gold medalist na si Carlos Yulo, tungkol umano sa kanyang mga binitawang pahayag.
Sa isang press conference na ginanap ngayong umaga sa Maynila kasama ang kanyang abogado na si Atty. Raymond Fortun, naging emosyonal ito at aminado sa kanyang pagkakamali base sa lumabas na pahayag sa kanyang Facebook page.
Gayunpaman, iginiit nito na ang iba pang nagsulputang mga pahayag sa X (dating Twitter) at iba pang social media platforms ay gawa-gawa lamang ng pawang mga “fake accounts.”
Hindi na sinagot pa ng ginang ang ibang katanungan ng media kaugnay sa naging problema nila ng kanyang anak at sa halip ay umaasa siya na mapag-usapan sa pamilya ang isyu, partikular ang tungkol sa pera tulad nang nabanggit ng kanyang anak sa isang pahayag.
Nang tanungin naman ang ginang hinggil sa girlfriend ng kanyang anak na si Chloe Anjeleigh San Jose kung tanggap niya ito, sinabi na ang usapin ay pag-uusapan na lamang sa kanilang pamilya.
Aminado ang ginang na bagamat hindi na mababawi ang mga nabitawan nitong salita, handa pa rin ang kanilang pamilya na makausap ang anak na si Caloy.
Sinabi niya na nagpatawag siya ng presscon sa huling pagkakataon para matapos na ang isyu at mapag-usapan na lamang ito sa loob ng kanilang pamilya.
Binanggit naman ni Atty. Fortun na wala silang plano na habulin at kasuhan ang mga nagpakalat ng mga fake news sa social media.
Sa huli, nanaig pa rin ang pagiging ina ng Ginang kung saan binati ang anak sa nakamit na dalawang ginto sa 2024 Paris Olympics.

