ISANG Chinese nation ang bumagsak sa kamay ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) matapos umano nitong dukutin at sapilitang ikulong ang sariling kababayan nito dahil sa pagkakautang sa casino.
Kinilala ni MPD Director P/Brig. General Arnold Thomas Ibay ang biktima na si Luo Jing alyas Jun Cheng, 31 anyos, isang computer technician at residente ng Unit 7011, Tower 2, Coast Residence, Pasay City.
Si Cheng ay nasagip makaraang humingi ng saklolo sa pulisya ang mga kaibigan nito kaugnay sa pagdukot sa kanya ng naarestong suspek na si Song Peng Ren alyas Luo Jie, 35 anyos, na isang translator/manager at casino financier.
Sa imbestigasyon, sapilitang isinama ng isang grupo ng Chinese si Cheng habang naglalaro sa Xi Lai Deng Casino sa Adriatico Square na matatagpuan sa Gen. Malvar St., sa panulukan ng Adriatico St., Ermita, Manila.
Ayon sa mga kaibigang kapwa Tsino, pinautang umano ni Luo Jie si Cheng ng P200,000 ngunit aabot ma sa P500,000 ang magiging kabayaran kasama na ang interes.
Gayunman, sinabi ni Cheng na kaya lamang niyang bayaran ang P200,000 kaya sinabihan siya ng suspek na magtrabaho na lamang sa kanya hanggang sa mabayaran ng buo ang kabuuang halaga ng kanyang pagkakautang.
Dito na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa na nauwi sa komosyon hanggang sa pinalabas sila sa casino.
Matapos ang pangyayari ay nawalan na ng komunikasyon si Cheng at ang kanyang mga kaibigan kaya dumulog sila sa MPD-General Assignment Investigation Section, na nagsagawa naman ng imbestigasyon at follow-up operation na nagresulta sa pagkakadakip kay Luo Jie.
Patuloy pa ang follow-up operation ng pulisya para sa iba pang sangkot kasama ang dalawang Filipino at dalawa pang Chinese national.
Sasampahan ng kasong serious illegal detention at kidnapping ang suspek, at walang inirekomendang piyansa.
Mahaharap din si Luo Jie sa kasong theft na may inirekomendang P10,000 na piyansa.

