ISINAILALIM na sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang apat na miyembro ng pulisya ng Cagayan dahil sa umano’y pagkakasangkot ng mga ito sa “large-scale paluwagan scam.”
Ito ay matapos makatanggap ang Philippine National Police (PNP) sa Cagayan ng mahigit 150 reklamo, at ang NBI naman ay nakatanggap ng nasa 200 reklamo kaugnay ng Ponzi scheme o pyramid scheme kung saan di-umano ay sangkot ang apat na opisyal.
Ayon kay Cagayan PNP Provincial Director, P/Col. Julio Gorospe, nagre-recruit di-umano ang apat na opisyal ng mga gustong sumama sa paluwagan, at marami na ang nahikayat at aniya, kabilang ang kanyang asawa sa mga naging biktima.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang kabuuang halaga ng pera na na-scam sa pamamagitan ng scheme na ito.
Samantala, ang mga opisyal na sinasabing sangkot sa scheme na ito ay inilagay na sa ilalim ng restricted status.
Sinusuportahan din ng pamahalaang panlalawigan at lungsod ang imbestigasyon para panagutin ang mga responsable sa umano’y scam.

