SINABI ng isang opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) na kanila nang inihahanda ang subpoena para sa tech editor ng isang malaking pahayagan na sangkot di-umano ito sa mga insidente ng hacking ng website ng ilang pribadong kompanya, pati na sa mga ahensiya ng pamahalaan.
Ayon kay NBI Deputy Spokesperson Atty. Sean Michael Dangilan sa isang panayam sa radyo, ang subpoena ay ilalabas base sa pag-amin ng naarestong suspek na isang IT officer ng nasabing media outlet, kung saan ang pagha-hack niya ay batay di-umano sa utos ni Art Samaniego, tech editor ng Manila Bulletin.
Layon ng subpoena na imbestigahan ang alegasyon laban kay Samaniego. Hinimok din ni Dangilan na personal na magpakita sa tanggapan ng NBI si Samaniego upang ipaliwanag ang kanyang panig.
Noong Biyernes, inaresto ng NBI ang IT officer ng Manila Bulletin na umano ay nang-hack sa mga website ng militar, maging sa National Security Council at ilan pang mga bangko.
Ayon sa nasabing IT officer, ilan sa mga na-hack na website ay para umano magamit ni Samaniego na content sa kanyang kolum at social media platform.
Mariin namang itinanggi ni Samaniego, na siya ring Senior Technology Officer ng Manila Bulletin, ang mga paratang.
Giit nito, matagal na siyang katuwang ng mga ahensiya ng gobyerno pagdating sa isyu ng “government agencies sa “cybersecurity.”
Samantala, sinabi ng Manila Bulletin sa isang pahayag “it has always adhered to the laws of the land and requires its employees to be law-abiding.”

