Poll body, joint venture, lalagda sa kontrata para sa online voting and counting system

INIHAYAG ng Commission on Elections (Comelec) na lalagda na ito ng kontrata kasama ang joint venture (JV) na SMS Global Technologies, Inc. at Sequent Tech Inc. para sa proyektong “Online Voting and Counting System (OVCS) sa Hunyo 25.

Sa isang abiso, sinabi ng poll body na ang paglagda ng kontrata ay gaganapin sa ika-10 ng umaga sa tanggapan nito sa Intramuros, Maynila. Susundan naman ang contract signing ng isang demonstration ng JV ng internet voting system nito.

Ang OVCS ay gagamitin ng mga Filipino na nagtatrabaho sa ibang bansa para makaboto sa darating na May 2025 mid-term polls. Noong nakaraang buwan, iginawad ng Comelec en banc ang proyekto sa JV ng SMS at Sequent matapos magsumite ng bid proposal na P112 milyon, mas mababa kaysa sa inaprubahang badyet ng proyekto na P465.8 milyon.

Samantala, pinaalalahanan ni Comelec chairperson George Garcia si dating Caloocan Congressman Edgar Erice na iwasang magkomento sa legalidad ng kontrata ng Full Automation System with Transparency and Audit/Count (FASTrAC).

Sa isang liham, binalaan ni Garcia si Erice na maaaring maharap siya sa kasong indirect contempt mula sa Supreme Court (SC) kung magpapatuloy siya sa pagsasalita sa kontrata sa pagitan ng poll body at ng JV ng Miru Systems Co. Ltd., Integrated Computer Systems, St. Timothy Construction Corporation, at Centerpoint Solutions Technologies, Inc.

The Comelec is equally mindful of its duty to abide by the sub judice rule, lest it commits acts that may constitute indirect contempt. We stand firm in our position that any further discussion about the legality or illegality of the contract between Comelec and joint venture of Miru Systems should be presented before the courts,” sabi ni Garcia.

Tinanggihan ni Garcia ang imbitasyon ni Erice para sa Comelec na sumama sa kanya sa isang nakatakdang media conference dahil nakabinbin ngayon ang petisyon sa usapin sa mataas na hukuman. 

Naghain si Erice ng petisyon laban sa P17.9 bilyong kontrata ng Comelec-Miru sa 2025 poll automation project sa Supreme Court noong Abril.

Noong nakaraang buwan, inatasan ng SC ang magkabilang panig na magsumite ng kanilang mga komento sa petisyon.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.