Ilegal na droga na P13.4M ang halaga, nasabat ng NAIA-BOC

MAHIGIT P13 million na halaga ng ilegal na droga na nakapaloob sa isang parcel ang matagumpay na nasabat ng pinagsanib na puwersa ng mga operatiba sa Central Mail Exchange Center sa Pasy City.

Katuwang ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) sa naturang operasyon.

Ayon sa BOC, binubuo ng 5,003 piraso ng Ecstacy tablets at 998 gramo ng Ketamine ang nasabat na ilegal na droga na umaabot sa kabuuang halaga na P13,495,100, na nakumpirma naman sa pamamagitan ng isang field testing na isinagawa ng PDEA.

Idineklara ang parcel na canned food at prutas, na orihinal na nanggaling sa bansang Denmark at naka-consign sa isang indibidwal sa Taguig City.

Kasong kriminal ang isasampa laban sa mga claimant para sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (Republic Act No. 9165) at Section 1401 (Unlawful Importation) ng Republic Act No. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

 “The Bureau remains resolute in upholding the law and safeguarding the welfare of the Filipino people,” pagdidiin ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.