HINIHIMOK ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kandidato para sa 2025 national and local elections na gumamit ng “biodegradable campaign materials” upang makita ang nalalapit na eleksiyon bilang “environmentally compliant.”
“’Yung mga posters dapat biodegradable lahat ‘yan and at the same time, dapat susunod doon sa pine-prescribe ng hindi lamang ng United Nations (UN) kung hindi kahit ‘yung ating Department of Environment and Natural Resources (DENR),” sabi ni Comelec chairperson George Garcia.
Maliban dito, dapat din aniyang mabawasan ang noise pollution sa panahon ng kampanya at eleksiyon.
Sinabi ni Garcia na kanilang iminumungkahi din ang paglikha ng isang kakatawan sa paggawa ng mga patakaran at alituntunin na ipapatupad ng Comelec.
Dagdag pa niya, ang mga poster na hindi nakakatugon sa mga kinakailangan ng Comelec ay ituturing na mga ilegal na poster at ang naturang paglabag ay maaaring maging batayan para sa diskwalipikasyon.
Binigyang-diin din niya na ang global warming ay banta na dahil sa matinding init at pagbaha sa bansa.
“‘Wag po mag-alala. There can always be a compromise between profit, business, at saka ‘yung atin pong obligasyon sa atin po namang mundo at sa atin pong kapaligiran,” paliwanag ni Garcia.

