INILUNSAD sa ilang parke sa lungsod ng Maynila ang “Philippine Eatsperience : Love the Flavors, Love the Philippines” nitong Miyerkules kung saan nakatuon ang atensiyon sa mga kilalang pagkaing Pinoy.
Pinangunahan ang paglulunsad nina Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia Frasco, National Parks Development Committee Executive Director Cecille Lorenzana-Romero, at mga ambassador mula Malaysia at Thailand, na ginanap sa Noli Me Tangere Garden sa Rizal Park.
Kasabay nito, inilunsad din ang nasabing kaganapan sa Balurate Plano Luneta de Santa Isabel sa Intramuros, Maynila.
Ayon kay Frasco, ginawa ang Philippine Eatsperience ngayong Filipino Food Month bilang suporta sa layunin ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bigyang-diin ang mga pagkaing Pinoy at suportahan ang mga small at medium enterprises, kung saan kabilang ang maraming mga vendor.
Idinagdag pa ng kalihim na sa pamamagitan ng Philippine Experience ay mararanasan ng ating mga kababayan at mga turista ang iba’t-ibang lasa ng mga pagkaing iniaalok ng Pilipinas.
Sa grand launching, binasag ng mga panauhin ang isang malaking palayok bilang hudyat ng pagsisimula ng Philippine Experience.
Para sa mga bisitang dadalo sa Philippine Eatsperience, mabibili nila at matitikman ang iba’t-ibang klase ng pagkaing Pinoy mula Huwebes hanggang Linggo mula alas-7 ng umaga hanggang ika-10 ng gabi, at walang entrance fee.
Bukas naman ang Philippine Eatsperience sa Intramuros mula alas-7 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon lamang.
Dagdag pa ni Frasco, layon ng DOT na bigyan ng exposure sa mga turista ang mga pagkaing Pinoy, pati na ang heritage, culture at arts caravan kung saan pinupuntahan ang iba’t-ibang destinasyon sa Pilipinas.
Pinapakilala rin aniya sa domestic at international tourism market ang Filipino food sa pamamagitan ng mga programa na kung saan itinatampok ang tourism, marketing at promotions at binibigyan ng oportunidad ang mga maliliit na local vendor na bumida naman sa galing ng kanilang pagluto ng iba’t-ibang Filipino delicacies.

