INIULAT ng Philippine Coast Guard (PCG) na nasagip nito ang 27 mangingisda habang isa pa ang nawawala makaraang banggain ang kanilang fishing boat sa Mansalay, Oriental Mindoro ng hindi pa mabatid na passenger vessel.
Ang fishing boat na FB John Michael ay may lulan na 28 mangingisda nang mangyari ang insidente.
Ayon sa Coast Guard Station Oriental Mindoro, naganap ang insidente sa karagatan na humigit-kumulang 14 hanggang 16 nautical miles ang layo mula sa bayan ng Mansalay.
“Hindi rin sila makapag-maneuver kasi nga meron silang mga hatak-hatak na mga lambat. So nu’ng nakita nila ‘yung barko, nagtalunan po sila lahat,” sabi ni Captain Airland Lapitan, acting commander ng Coast Guard Station Oriental Mindoro.
Iniulat ng Coast Guard na ilang bahagi lamang ng bangka ang nasira at hindi ito lumubog kaya ligtas na nakabalik ang mga mangingisda sa sasakyang-pandagat.
Gayunman, isang 20 anyos na mangingisda ang hindi pa makita kaya naman patuloy ang isinasagawang search and rescue ng PCG.
Samantala, nagtamo naman ng injury sa paa ang 52 taong gulang na mangingisda na tatay ng nawawalang mangingisda.
Ayon pa sa PCG, nakabalik na rin sa kani-kanilang pamilya ang mga nakaligtas na mangingisda.
Nakikipag-ugnayan na rin ang Coast Guard Station Oriental Mindoro sa Vessel Traffic Management System (VTMS) Batangas upang matukoy ang sasakyang-pandagat na dumaan sa nasabing baybayin.
Nagpapatuloy pa din ang imbestigasyon hanggang sa ngayon.

