NAGPAALALA ang Department of Health (DOH) sa mga magulang at mga nagbabantay ng mga bata na iwasan o huwag halikan ang kanilang mga sanggol sa labi para maiwasan ang mahawa ng pertussis, isang uri ng lubhang nakakahawa na bacterial respiratory infection.
Ayon kay DOH Undersecretary Eric Tayag, may iba pang mga hakbang na maaaring gawin upang ilayo ang mga bata sa impeksyon, bagama’t binigyang-diin nito na ang pertussis o “whooping cough” o “ubong dalahit” sa Tagalog, ay maiiwasan sa pamamagitan ng pagbabakuna sa mga sanggol mula edad na anim na linggo.
Paalala ni Tayag sa mga magulang, iwasan munang halikan sa labi ang mga baby o bagong silang na sanggol at kung may konting sipon ay kailangang magsuot ng mask at maghugas ng kamay bago kargahin ang baby.
Paalala nito, maaaring maipasa ang pertussis kapag ang isang nahawahang tao ay bumahing o umubo mula tatlong talampakan ang layo.
Nagdudulot din ito ng mga sintomas na tulad ng trangkaso, banayad na lagnat, sipon at ubo mula pito hanggang 10 araw pagkatapos ng pagkakahawa.
Maaari rin makaranas ang mga bata ng apnea o paghingal, hirap sa paghinga at pagsusuka.
Sa ngayon, dalawang lugar ang idineklarang may outbreak ng pertussis, ang Quezon City at Iloilo City.
Sinabi ng DOH na ang karagdagang tatlong milyon pang pentavalent vaccine doses ay inaasahang darating sa Pilipinas “sa pinakamaagang posibleng panahon.”
Ang bakunang ito ay magpoprotekta hindi lamang laban sa Pertussis, kundi pati na rin laban sa Diphtheria, Tetanus, Hepatitis B, at Haemophilus influenzae type B.