MULING tumaas ang tensiyon sa matapos magkabanggaan ang isang barko ng China Coast Guard (CCG) at ang BRP Sindangan ng Philippine Coast Guard (PCG) na magsasagawa sana ng resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea (WPS).
“Throughout the operation, the PCG vessels faced dangerous maneuvers and blocking from Chinese Coast Guard vessels and Chinese Maritime Militia,” tinuran ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela sa X (dating Twitter).
“Their reckless and illegal actions led to a collision between MRRV-4407 and China Coast Guard 21555 that resulted to minor structural damage to the PCG vessel,” dagdag pa niya.
Bukod sa banggaan, iniulat din ni Philippine Navy spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Roy Vincent Trinidad na ang isa sa mga resupply boat na Unaizah May 4 ay ginamitan ng water cannon ng dalawang barko ng CCG na naging sanhi ng pagkabasag ng wind shield nito, ayon kay American maritime security analyst na si Ray Powell na sumusubaybay sa resupply mission.
“I’ve received sufficient independent (unofficial) accounts to report with high confidence that Unaizah May 4, 1 of the Philippines’ two resupply boats, suffered minor damage and injuries resulting from use of a water cannon by a China Coast Guard ship this morning,” sinabi ng opisyal sa kanyang X (dating Twitter) account.
Sinabi ni Powell, na isang dating United States Air Force official at dating defense attache, na pabalik na ang BRP Sindangan kasama ang napinsalang Unaiza May 4 dahil hindi na ito puwedeng magpatuloy sa misyon.
Matagumpay naman aniyang nakarating ang iba pang resupply boat na Unaiza May 1 sa BRP Sierra Madre outpost.
“Unaizah Mae 1 has accomplished the mission. She has reached LT-57. Unaizah Mae 4 and the Coast Guard ships are still ongoing. We are waiting updates on the final report on status of the mission,” saad pa ni Trinidad.
Apat na mga barko ng CCG at 11 barko ng Chinese maritime militia ang namonitor sa lugar ng Ayungin Shoal, ayon kay Trinidad.
Dahil sa pangyayari, nagpahayag ng pag-aalala ang top diplomat ng European Union sa Manila sa pinakahuling mga mapanganib na maniobra ng China sa mga resupply vessel ng Pilipinas sa WPS.
Samantala, sinabi ng CCG na gumawa sila ng control measures laban sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas na ilegal na pumasok sa tubig na katabi ng Second Thomas Shoal, na isang pinagtatalunang atoll sa South China Sea.
Ang Ayungin Shoal ay tinatawag ding Second Thomas Shoal.
Sinabi ng China na ang insidente ay nangyari malapit sa tubig na katabi ng Renai Reef, na kilala rin bilang Second Thomas Shoal, isang lugar sa South China Sea na nakitaan ng “run-ins” ng CCG at mga sasakyang pandagat ng Pilipinas sa nakalipas na ilang buwan.
Ayon kay Trinidad, ang China ay isang malinaw at kasalukuyang hamon para sa Philippine Navy sa WPS.
Nitong Pebrero 28, ang Pilipinas ay naghain ng siyam na diplomatikong protesta laban sa China, ayon kay Department of Foreign Affairs spokesperson Teresita Daza.
Ang kabuuang bilang ng mga protesta sa ilalim ng administrasyong Marcos mula Hulyo 2022 hanggang Pebrero 28 ng taong ito ay umabot na sa 142, dagdag pa ni Daza.
Samantala, kinondena naman ng Embahada ng Amerika sa Pilipinas ang nangyaring pagbanggaan ng mga barko ng China at ng Pilipinas habang nagsasagawa ang huli ng resupply mission sa Ayungin Shoal.
Sa inilabas na pahayag ng US Embassy ngayong araw, sinabi na ang insidente ay malinaw na paglabag ng China sa 1982 Law of the Sea Convention at ang Freedom of Navigation, isang marahas na hakbang ng China na ikinasugat ng apat na Pilipino at pagkasira ng barko nito.
Muli namang tiniyak ng Amerika ang pangako nito sa Pilipinas na tutulong sa anumang pag-atake.
Sa ilalim ng 1951 US-Philippine Mutual Defense Treaty, obligado ang dalawang bansa na magtutulungan laban sa anumang pananakop o pag-atake.

