SINANG-AYUNAN ni ACT-CIS Representative Erwin Tulfo ang pahayag ng isang senador na dapat ay magkaroon muna ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) bago ito maipatupad.
Ayon kay Rep. Tulfo, tama lamang ito dahil baka masayang lang kapag walang IRR ang AKAP kaya aniya suspendido muna ang implimentasyon nito.
Sinabi ng mambabatas na ideya niya ito para sa mga “working class” at sang-ayon siya 100 percent kay Senator Imee Marcos na kailangan nga ng programa ang IRR.
Pero paalala ng kongresista na noong 2022 pa binuo ang ideya para sa AKAP kaya wala pa aniya sa radar ang People’s Initiative (PI) o Charter Change kaya nagulat ito nang pumutok sa media na pambayad ang AKAP sa PI.
Naniniwala ang mambabatas na posibleng pulitika ang dahilan ng mga alegasyon dahil malapit na ang eleksyon.
Pakiusap niya na huwag magamit sa pulitika ang AKAP dahil kawawa ang taumbayan na naiipit.
“Pera naman ho ng taumbayan—pera naman po natin lahat yan, ipamimigay ho natin – kapag may accusations na ganito –may pinamigay si ganun—ako ho mismo siguro tatayo diyan sa Kongreso at magpoprotesta because it was my brain, it was my idea itong AKAP na ito pero ito po ay para ipamigay dun sa mga working class,“ saad ng mambabatas .
Target ng AKAP kapag mayroon na itong IRR ay ang mga fastfood crew, security guard, driver at iba pa na hindi naaabot ng ayuda ng gobyerno.

