MPD, DILG, PNP, nag-inspeksyon na Quiapo Church at Quirino Grandstand

NAG-INSPEKSYON na ang pamunuan ng Manila Police District (MPD) sa pangunguna ni MPD Director Col. Arnold Thomas Ibay sa paligid ng Quiapo Church maging sa Quirino Grandstand katuwang ang ilang opisyal ng gobyerno.

Kasama ni Ibay sa inspeksyon sina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos, Jr., DILG Manila City Director John Visca, at Philippine National Police (PNP) Chief Benjamin Acorda, Jr.

Ayon kay Ibay, ang magiging pasukan ng mga deboto patungong Simbahan ay iisa lamang at ito ay sa Villalobos St.

One entry, multiple exit tayo–ang labasan sa Quezon Boulevard,” saad ni Ibay sa gitna ng kanilang pag-iinspeksyon.

Ayon naman kay Abalos, layon ng kanilang inspeksyon na makita kung gaano kahanda ang lahat upang  matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga deboto na dadagsa bukas sa Traslacion.

Panawagan ni Abalos sa mga deboto lalo na ang mga may sakit, matatanda at mga bata o buntis na mas maigi na huwag nang makipagsiksikan sa dagsa ng mga deboto upang maiwasan ang anumang insidente.

Ayon pa dito, nakikita naman ang kahandaan ng PNP, lokal na pamahalaan ng Maynila at iba pang katuwang sa pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno pagdating sa pangangailangang medikal, pamatay-sunog, kapulisan at iba pang ahensya ng gobyerno.

Kasama rin sa mga nag-inspeksyon ngayong Lunes o isang araw bago ang Traslacion bukas sa Quiapo sina Manila Mayor Honey Lacuna, Bureau of Fire Protection, at maging mga opisyal ng Simbahan ng Quiapo.

Sinabi ni Lacuna na ilang mga nakasabit na lang ang kailangan tanggalin ngunit pagtitiyak nito na handang-handa na ang lokal na pamahalaan sa Pista ng Poong Itim na Nazareno.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.