TINIYAK ni Police Colonel Thomas Arnold Ibay, hepe ng Manila Police District (MPD) na walang banta sa seguridad sa nalalapit na Traslacion o Pista ng Itim na Nazareno sa darating na Enero 9, 2024.
Ito ang pagtitiyak ni Ibay sa ginanap na media briefing ng Nazareno 2024.
“Sa ngayon wala pa naman kaming natatanggap na threat,” pahayag nito.
Sinabi rin ni Ibay na mahigpit ding ipapatupad ang “no sail zone” sa paligid ng Quirino Grandstand habang ang “no fly zone” ay sa buong Traslacion mula Quirino Grandstand sa Rizal Park hanggang Quiapo.
Pagtitiyak pa ng opisyal na upang maging ligtas at maayos ang Traslacion, unang-una ay ang koordinasyon ng mga deboto at lahat ng suporta ng pamahalaang lungsod ng Maynila at mga katuwang na ahensya.
Pinaalalahanan din niya ang mga pupunta na huwag nang magdala ng mga ipinagbabawal na gamit dahil ito ay siguradong sisitahin ng mga kapulisan.
Aniya, hindi papayagan na pumasok sa control area ang mga indibidwal na may dala-dala ng mga naturang ipinagbabawal na gamit.
Sinabi pa ni Ibay na nasa 12 libong police personnel ang ide-deploy sa Enero 8 gayundin sa Enero 9.

