SIMULA sa susunod na buwan ay muling ipapatupad ng Department of Transportation (DOTr) ang Service Contracting Program (SCP).
Ang nasabing programa ay isang inisyatibo na inaprubahan sa ilalim ng Republic Act No. 11494 o ang Bayanihan to Recover as One Act.
Ang SCP ay pangungunahan ng DOTr, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa pakikipag-ugnayan sa mga Local Government Unit (LGU) sa buong bansa.
Katuwang din sa program ang ilang kagawaran at ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Labor and Employment (DOLE), Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP), Cooperative Development Authority (CDA), Office of Transportation Cooperatives (OTC), Land Transportation Office (LTO), at Inter-Agency Council for Traffic (i-ACT).
Sa ilalim ng programang ito, makakatanggap ang mga public utility vehicle (PUV) driver at operator ng tinatawag na “performance-based incentives” base sa bilang ng kanilang nakumpletong biyahe kada linggo, may pasahero man o wala.
Ang nasabing programa ay isinasagawa bilang pagtugon sa pangangailangan ng mga pasahero na makakuha ng mas kumportable at maaasahang pampublikong transportasyon.

