SINABI ng Department of Labor and Employment (DOLE) nitong nakaraang Lunes, Labor Day, na isasa-publiko na nito sa lalong madaling panahon ang ilang mga desisyon hinggil sa mga petisyon sa dagdag-sahod sa bansa.
Ayon kay DOLE chief Sec. Bienvenido Laguesma, ito ay naaayon sa pangako ng gobyerno na tugunan ang mga alalahanin ng mga manggagawa sa Pilipinas.
Ayon kay Laguesma, iyong mga may kinalaman sa usapin sa sahod at proseso na may kinalaman sa mga nakahaing petisyon sa iba’t-ibang tripatite wages and productivity boards ay gumagalaw at makikita na sa loob ng ilang panahon.
Sinabi pa ni Laguesma sa isang panayam na kahit iyong mga regional tripartite wages and productivity boards na wala namang nakahain na petisyon ay may mandato rin.
Sa nagdaang anim na buwan, sinabi ni Laguesma na ang labor department ay abala sa pagsasama-sama ng Philippine Development Plan at [ang] labor and employment plan na naglalaman ng mga programa ng administrasyon na idinisenyo upang tugunan ang mga pakiusap ng mga manggagawa.
Kabilang aniya sa plano ang “inclusive growth, reduction of poverty incidence” at mga probisyon sa kalidad ng mga trabahong inaalok sa mga manggagawa.
Pero, binigyang-diin nito na ang nasabing plano ay may mga yugto at hindi dapat isailalim sa mabilis na pagpapatupad.
Idinagdag pa niya na ang Philippine Development Plan ay nakahanay sa 8-point socio-economic agenda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Samantala, sinabi ng kalihim na humigit-kumulang 1,000 employer ang nakibahagi sa job fairs ng DOLE at mayroong 120,000 na bakanteng trabaho sa bansa.
“Bawat job fair tinitingnan natin kung ilang ang napupunan at bakit hindi nakukumpleto o hindi nalalagyan agad ng manggagawa ‘yung mga natitira o naiwang vacancies,” ani Laguesma.

