CEAP, tutol sa pagbabawal ng “No Permit, No Exam” policy

TUTOL ang samahan ng mga Katolikong paaralan sa panukalang pagbabawal ng no-permit, no-exam policy sa mga paaralan.

Ginawa ng Catholic Educational Association in the Philippines (CEAP) ang pahayag makaraan aprubahan ng Kongreso ang Senate Bill 1359 o “No Permit, No Exam Prohibition Act” na nagbabawal sa mga pribado at pampublikong paaralan na hindi bigyan ng pagsusulit ang mga mag-aaral nang hindi pa nakakabayad ng matrikula at iba pang mga pagkakautang sa paaralan.

Ayon kay Jose Allan Arellano-executive director ng (CEAP), sa tuition fee lamang umaasa ang mga pribadong paaralan upang magpatuloy ng operasyon tulad ng pagpapabayad sa mga guro, kagamitan ng paaralan at pagpapagawa ng mga gusali.

Muli kami po ay nag-aapela sa pamahalaan na maunawaan sana kami sa aming ginagawa sa catholic education at private education na kailangan naming sumingil sa mga obligasyon ng mga magulang sa amin,” ayon kay Arellano sa panayam ng Veritas Pilipinas.

Hiling din ng CEAP ang pakikipag-usap sa mga mambabatas kasama ang mga samahan ng mga pribadong paaralan at unibersidad.

May sulat kami na ibibigay ngayong araw na ito. Nagsama-sama ang mga association ng private school para i-apela yung maaaring maging batas na ito na No-permit, No-exam Prohibition Act,” dagdag pa ni Arellano.

Ipinaliwanag ni Arellano na ang mga pampublikong paaralan ay tumatanggap ng tulong mula sa pondo ng gobyerno, subalit ang mga pribado at katolikong paaralan ay nagpapatuloy lamang mula sa ibinabayad ng matrikula ng mga estudyante.

Ang CEAP ay binubuo ng may 1,500 Katolikong paaralan sa buong bansa at kabilang sa higit 12,000 pribadong paaralan.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.