INIHAYAG ni Department of Health (DOH) Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire na ilalabas na sa susunod na linggo ang panuntunan hinggil sa paggamit ng bivalent vaccine na target ang Omicron variant.
Sa press briefing ngayong Martes, sinabi ni Vergeire na isinasapinal na ang panuntunan at ang huli nilang pagpupulong kasama ang grupo ng mga eksperto sa kalusugan ay sa Martes o Miyerkules.
Umaasa si Vergeire na mailalabas na sa susunod na linggo ang mga panuntunan upang makapagsimula na ng preparasyon ang mga lokal na pamahalaan.
Ang bivalent vaccine ay ang second-generation vaccines na target ang Omicron variant.
Ayon pa kay Vergeire, isasama ng DOH ang paggamit nito sa isinasagawang vaccination program depende sa sektor at rekomendasyon ng mga eksperto.
Habang nagpapatuloy ang procurement process ng bivalent vaccines, ang DOH ay patuloy na nakikipag-ugnayan para sa mga donasyon sa pamamagitan ng COVAX facility at iba pang mga bansa.
Umaasa ang DOH na mahigit isang milyon ang darating na bivalent vaccine sa darating na mga buwan depende sa negosasyon.

