INIHAYAG ng National Bureau of Investigation (NBI) na ang resulta ng isinagawang DNA test sa buto ng labi na natagpuan sa Puerto Princesa City, Palawan ay yaong sa nawawalang 22-anyos na si Jovelyn Galleno.
Sa press conference ng NBI, sinabi ni NBI spokesperson Atty. Giselle Dumlao na nagsagawa ang ahensya ng hiwalay na imbestigasyon sa crime scene noong Agosto 27 kung saan nadiskubre ang tatlong pirasong buto ng tao.
Noong Setyembre 1, sinabi ni Dumlao na tinukoy ng forensic team ang mga magulang ni Jovelyn bilang reference sample para sa pagsusuri ng DNA na inabot ng 13 araw bago matapos.
“The result became available on September 12, 2022 and the result revealed that the DNA profile from the skeletal remain matches with Jovelyn Galleno, based on the profile from its reference or biological parents with a 99.99 percent probability of relationship,” ayon kay Dumlao.
Aniya, sa kadahilanan na walang ibang anak ang mag-asawa na nawawala o namatay maliban kay Jovelyn, sinabi nito na maaaring masabi na ito ay si Jovelyn.
Maaalala na una na ring sinabi ni Puerto Princesa Police spokesperson Police Captain Maria Victoria Iquin na ang resulta ng DNA examination na isinagawa sa buto at swab sample na ibinigay ng ina ni Jovelyn ay nagpakita ng 99.9 percent match.
Natagpuan ang buto ng labi sa Barangay Santa Lourdes noong Agosto 23, ilang araw matapos naiulat na nawawala si Jovelyn noong Agosto 5.
Naaresto naman ang pinsan ni Jovelyn na si Leobert Dasmariñas, na umanong nanggahasa at pumatay sa kanya, ayon sa mga awtoridad.

