Buy-bust sa Maynila, nagresulta sa pagkasamsam ng mahigit P2 milyon ng shabu; dalawa, arestado

TINATAYANG mahigit sa P2 milyon halaga ng shabu ang nasamsam at naaresto din ang dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation sa Malate, Maynila Miyerkules ng gabi.

Kinilala ang mga naaresto na si Joel Gan Jr. y Figueroa, alyas Nick, 28 anyos, binata, ng 0906 Honorato Romero Street, Tanza, Cavite na nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 at R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), at Michaela Malto y Bautista, 26 anyos, dalaga, isang waitress ng 2186 Zafiro Diamante, San Andres Bukid, Manila na nahaharap sa kasong paglabag sa Section 11, Article ll ng Republic Act 9165.

Sa ulat, dakong alas-10:40  ng gabi nang nagsagawa ng buy-bust operation ang mga elemento ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), sa pangunguna ni PLt. Josephus Melpaz sa San Andres St. corner Osmena Highway, Malate, Maynila na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Nakuha sa kanila ang 375 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P2,536,000, sling bag, tatlong sachet ng hinihinalang shabu, isang kalibre 38 na baril, bala, holster at buy-bust money.

Ang mga naarestong suspek ay nakakulong sa Malate Police Station (PS-9) Custodial Facility habang inihahanda ang kaukulang kaso.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.