PATAY ang isang Nigerian national matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay Batasan Hills, Quezon City Linggo ng gabi.
Ayon kay Police Brig. General Randy Peralta, hepe ng PNP-Drug Enforcement Group (DEG), natukoy ang pagkakilanlan sa napaslang na suspek na si Ejiofor Smart, habang nakatakas naman ang dalawang kasamahan nito na nakilala lamang sa mga alyas na “KC Bamba” at “Oga Aboy”.
Batay sa imbestigasyon, nangyari ang engkuwentro sa bahagi ng Batasan-San Mateo road pasado alas 11 ng gabi ng Linggo, Pebrero 27, 2022 ilang saglit nang magka abutan ng ilegal na drogang shabu.
Bumunot umano ng baril si Smart nang akmang aarestuhin na siya ng mga operatiba hanggang sa magpalitan na ng putok ang magkabilang panig na nagresulta sa pagkakapatay sa banyaga.
Narekober mula sa posesyon ni Smart ang dalawang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P13.6Milyon, boodle money, isang wallet na naglalaman ng ibat ibang ID at baril na .45 pistola na gamit sa pakikipagbarilan.
Napag-alaman na si Smart ay kilala bilang bigtime drug dealer ng shabu sa malaking bahagi ng Metro Manila at kalapit na mga probinsya.
Modus umano ng grupo ni Smart ang pagbebenta ng ilegal na droga sa pamamagitan ng paglalagay sa loob ng mga kahon ng powdered milk na may halong mga grocery items. Patuloy pa ang pagtugis ng pulisya sa dalawang nakatakas.

