18-anyos, hinataw ng kapwa binatilyo na kainuman sa Malabon

ISANG 17-anyos na binatilyo ang dinakip matapos nitong paghahatawin ng dos-por-dos na kahoy ang isang 18-anyos na binatilyo na kanyang kainuman nang magapi siya nito sa kanilang suntukan noong Martes ng madaling araw sa Malabon City.

Agad namang isinugod sa East Avenue Medical Center ng kanyang mga kaibigan ang biktimang si Rhian Charles Marcelo, 18 anyos, at residente ng 15K M. Santos St Brgy. Santulan matapos magtamo ng mga sugat sa ulo sanhi ng ginawang pamamalo ng kapwa menor-de-edad na kainuman.

Sa ulat kay Malabon police P/Col Albert Barot nina P/SSgt. Ernie Baroy at P/SSgt. Diego Ngippol, may hawak ng kaso, masayang nag-iinuman ang biktima at suspek pati na kanilang mga kaibigan sa kahabaan ng Custodio St. Brgy. Santulan nang magkaroon sila ng mainitang pagtatalo dakong alas-3 ng madaling araw na nauwi naman sa suntukan.

Kaagad namang namagitan ang kanilang mga kaibigan kaya’t naawat ang kanilang pambubuno subalit dahil bahagyang na-argabiyado, bumuwelta ang menor-de-edad na binatilyo nang makadampot ng dos-por-dos na kahoy at pinaghahataw sa ulo ang biktima.

Natigil lang ang panghahataw ng suspek nang mabali na ang hawak na kahoy sa tindi ng ginawang pamamalo.

Nakapagresponde naman kaagad sina P/CMSgt. Gilbert Pascual, P/Cpl. Zhyram Batay-an at P/Cpl. Mark Bryan Pacot ng Malabon Police Sub-Station 3 kaya nadakip agad ang namalong binatilyo.

Sinabi ni Col. Barot na dahil sa pagiging menor-de-edad, pansamantala munang dinala Bahay Pagasa ang suspek matapos siyang iprisinta sa piskalya ng Malabon para sa kakaharaping kasong serious physical injuries.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.