NASA kabuuang 12,096 na pamilya sa Luzon ang lubhang naapektuhan ng bagyong Kiko, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa situational report na inilabas ng NDRRMC, sinabi nila na ang mga naapektuhang pamilya ay binubuo ng 46,558 na indibidwal.
Ang kabuuang bilang na ito ay mula sa 186 na mga apektadong barangay sa Region 1, Region 2, Region 3, at Cordillera Administrative Region (CAR).
Noong Biyernes, 52 na indibidwal mula sa 15 na pamilya ang lumikas sa kanilang mga tahanan at ngayon ay nasa evacuation centers. Nasa 51 na pamilya o 204 na katao naman ang bumalik na sa kani-kanilang tahanan.
Dagdag pa ng ulat, nasa 27 na ang naiulat na nasaktan dahil sa bagyong Kiko. Wala namang naiulat na namatay.
Nasa anim na munisipalidad na, ayon sa NDRRMC, ang isinailalim sa State of Calamity. Dahil dito, nagsagawa ng pre-emptive evacuation ang 17 na pamilya o 63 na indibidwal sa Region 1 habang 2,061 na pamilya naman o 6,892 na katao ang lumikas sa Region 2.
Patuloy pa rin ang pagbibigay ng tulong sa naturang mga rehiyon kung saan nasa P389,112 na halaga ng family food pack ang naipamahagi sa mga pamilya. At meron namang 60 na blanket at 30 hygiene kit sa mga apektadong residente.
Nagbigay din ng 69 na Assistance to Individual in Crisis Situation (AICS) na nagkakahalaga ng P345,000. Umabot na rin sa P789,012 ang kabuuang halaga ng naibigay na tulong sa mga nasabing rehiyon.

