ANG Philippine National Police (PNP) ay magtatalaga ng mga pulis bilang paghahanda sa pagbubukas ng mga pasyalan sa National Capital Region (NCR) upang masiguro ang pagsunod sa health protocols.
Inatasan na ni PNP chief Police General Guillermo Eleazar ang mga pulis sa Metro Manila na patuloy tutukan ang mga pasyalan sa gitna ng Alert Level 4 sa NCR.
Sa Maynila, nagbukas na muli ang Rizal Park kung saan pinapayagan pumasok ang mahigit 500 na katao.
Nagbukas na rin ang ibang lugar sa Intramuros upang magpatuloy sa kanilang operasyon ngunit pinaikli lamang ang oras ng pagbubukas nito.
Ayon kay PGen Eleazar, “The presence of our uniformed personnel in these areas will serve as a reminder for our kababayan to continuously observe the necessary protection for themselves and their companions.”
Sinabi din niya sa mga pulis na magpa-alala ng maayos sa mga pasaway na sundin ang minimum public health standards.
“These new quarantine rules are the balance between containing the spread of the disease and reviving the economy, and eventually will lead us back to normalization. Kaya ang tagumpay ng mga patakarang ito ay nakasalalay din sa compliance ng ating mga kababayan,” pahayag ni PGen Eleazar.
Sa ilalim ng Alert Level 4, ang mga hindi pinapayagang lumabas ng kanilang tirahan ay ang mga taong wala pang 18-taong-gulang, mga higit sa 65 taong gulang, may mga immunodeficiencies, comorbidities, o iba pang mga panganib sa kalusugan, pati na rin ang mga buntis.
Pinapayagan lamang silang lumabas kung may importanteng gagawin, tulad ng pagbili ng pagkain at gamot, o may permiso mula sa kanilang kumpanya na kung saan sila ay nagtatrabaho.
Maliban sa pagbubukas ng pasyalan, mga restawran at iba pang mga negosyo, unti-unti na din binubuksan ang mga establisimiyento.
Hinihikayat din ang mga restawran at mga negosyo na suriin ang mga vaccination card ng kanilang kostumer upang magamit sa pagbili nila ng pagkain at serbisyo.

