APAT na beses nang tumama sa kalupaan ng bansa ang bagyong Jolina.
Ayon sa PAGASA, huling naglandfall ang bagyo dakong alas-6:30 ng umaga sa Almario, Samar.
Dakong alas-10 ng Lunes ng gabi nang unang tumama sa kalupaan ang bagyo sa bahagi ng Hernani, Eastern Samar.
Sumunod na naglandfall ang bagyong Jolina dakong alas-2 ng madaling araw sa Daram, Samar at sa Sto. Nino, Samar bandang alas-3:40 ng umaga.
Huling namataan ang sentro ng bagyong Jolina sa coastal waters ng Almagro, Samar.
Taglay nito ang lakas ng hangin na 120 kilometro kada oras at pagbugsong 150 kilometro kada oras at kumikilos sa bilis na 15 kilometro kada oras.
Nakataas ngayon ang Tropical Cyclone Wind Signal 3 sa northern at eastern portion ng Masbate kasama ang Ticao at Burias Islands; extreme western portion Northern Samar; northern portion ng Biliran; at northwestern portion ng Samar.
Nasa ilalim naman ng Tropical Cyclone Wind Signal 2 ang Albay, Sorsogon, nalalabing bahagi ng Masbate, western at southern portion ng Camarines Sur; western portion ng Camarines Norte; Marinduque, southern portion ng Quezon; eastern portion ng Romblon; nalalabing bahagi ng Biliran at Samar; western portion ng Northern Samar; at northern portion ng Leyte.
Tropical Cyclone Wind Signal 1 naman sa Catanduanes, nalalabing bahagi ng Camarines Sur at Camarines Norte, nalalabing bahagi ng Quezon kasama ang Polillo Islands, Laguna, Cavite, Batangas, Rizal, Metro Manila, Bulacan, natitirang bahagi ng Romblon, Oriental Mindoro, nalalabing bahagi ng Northern Samar, Eastern Samar at Leyte; northern portion ng Southern Leyte; northern portion ng Cebu kasama ang Camotes at Bantayan Islands; northeastern portion ng Iloilo; northern portion ng Aklan; at northern portion ng Capiz.
Ayon sa PAGASA, sa susunod na mgma oras ay tinatayang muling magla-landfall ang bagyo sa bahagi ng Masbate at kikilos patungong Burias Island at sa Ragay Gulf bago muling maglandfall sa southeastern Quezon mamayang gabi o bukas ng madaling araw.
Bukas ng hapon ay inaasahang daraan ng Lopez Bay ang bagyong Jolina bago maglandfall sa bahagi ng Northern Quezon.
Tatawid ang bagyo sa Central Luzon hanggang sa Huwebes ng umaga bago kumilos patungong West Philippine Sea.

