BUMILIS ang antas ng pagtaas ng serbisyo at pangunahing bilihin sa bansa makaraang maitala ang inflation rate nuong Agosto sa 4.9 percent.
Mataas ito kumpara sa inflation rate nuong Hulyo na nasa 4-percent.
Nabatid mula kay Undersecretary Dennis Mapa, National Statistician at Civil Registrar General, kabilang sa mga pangunahing nakadagdag sa pagbilis ng inflation ay ang mga sektor ng food and non-alcoholic beverages na nakapagtala ng 6.5 percent na pagtaas; mga gulay gaya ng repolyo na nasa 15.7 percent; at isda gaya ng galunggong na nasa 12.4 percent.
“Ang dahilan ng mabilis na antas ng inflation nitong Agosto 2021 ay ang mas mabilis na paggalaw ng presyo ng Food and Non-Alcoholic Beverages na may 6.5% inflation at 77.4% share sa pagtaas ng pangkalahatang inflation sa bansa,” ayon kay Mapa.
“Ang mga pangkat ng pagkain na pangunahing nag-ambag sa inflation ng Food and Non-Alcoholic Beverages ay ang mga karne, gaya ng baboy, 16.4% inflation; isda, tulad ng galunggong, 12.4% inflation; at gulay, partikular ang talong, 15.7% inflation,” dagdag pa nito.
Nakadagdag din sa pagtaas ng inflation ay ang presyo ng LPG, elektrisidad at renta o rentals.
Kasama rin sa nagpagtaas ng inflation ang pamasahe sa jeep at traysikel.

