KASONG frustrated murder ang kinakaharap ng isang notorious na drug personality at sa limang indibidwal na kasabwat sa tangkang pagpatay sa isang barangay executive officer sa Navotas City.
Nabatid sa report, inatake ni Jose Dantes Raymundo, 44 ng Galicia Ext. Takino St., Brgy. Bangkulasi, at kanyang mga kasama ang biktima na nakilalang si Cesar Pena, 58, Ex-O ng Brgy. Bangculasi dakong alas-4:10 ng madaling araw ng Biyernes, September 3, at pinagbabaril ang biktima nang makita nila na sumilip sa balkonahe ng bahay nito.
Ayon kay Navotas City Police Chief Police Col. Dexter Ollaging, nagawang makadapa ni Pena upang hindi matamaan at agad nakahingi ng tulong sa mga awtoridad na naging dahilan upang tumakas ang mga suspek at naiwan ang isang motorsiklo na kalaunan ay nadiskubreng nakarehistro sa isang Constancia Raymundo.
Sa isang panayam kay Homicide Investigator Police Staff Sgt. Joseph Provido, sinabi nito na ang biktima at ang suspek ay may matagal ng alitan na nagsimula nang si Pena ay mabigyan ng mahalagang papel sa paglaban sa illegal na droga.
Dagdag pa sa imbestigasyon, ito na ang pangalawang pagkakataon na tinangkang patayin ni Raymundo ang biktima nang ibunyag ni Pena sa pulisya ang pagkakasangkot ng suspek sa illegal drug trade.
Maliban sa motorsiklo, narekober din ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa pinangyarihan ng insidente ang apat na basyo ng bala ng caliber .45 pistol, apat na deformed slugs at isang malaking martilyo na ginamit ng mga suspek sa tangkang pagbukas sa main gate ng bahay ng biktima.

