HINDI na oobligahin ang pagpapakita ng quarantine pass sa mga residente sa National Capital Region (NCR) sa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ).
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairperson Benhur Abalos, sa ilalim ng MECQ ay pupuwedeng tumukoy na lamang ng partikular na lugar ang mga local government unit para isailalim sa lockdown.
“Imbes na isarado yung buong city, ipi-pinpoint na lang local government units sa tulong ng Department of Health kung ano yung mga lugar na nagsisimula ang infection at ito ay isasarado sa tinatawag na granular lockdown, doon hihigpitan ng masyado,” ayon kay Abalos.
“Otherwise wala nang quarantine pass,” dagdag nito.
Nauna na ring sinabi ni Parañaque Mayor Edwin Olivarez, chairperson ng Metro Manila Council na hindi na nila gagawing requirement ang quarantine pass sa NCR sa ilalim ng MECQ.
“Hindi na namin i-implement yung aming quarantine pass…Ngayon, wala na tayong quarantine pass sa MECQ,” ani Olivarez.
Sa mga nakalipas na sa enhanced community quarantine (ECQ) classification, obligado ang mga residente na magprisinta ng quarantine pass kung lalabas ng bahay upang bumili ng pagkain at iba pang essential items.
Samantala, mananatili naman ang pagpapairal ng curfew hours na mula alas-otso ng gabi hanggang alas-kuwatro ng madaling araw. Nakadepende naman sa mga lokal na pamahalaan kung magpapairal ng liquor ban sa kanilang nasasakupan.

