Panuntunan sa paghahain ng Certificate of Candidacy, ipinalabas na ng Comelec

MAGIGING mahigpit ang Commission on Elections sa pagsunod sa COVID-19 protocols para sa paghahain ng certificate of candidacy o COC ng mga kandidato sa Oktubre.

Sa Resolution 10717 ng Comelec, magiging limitado lamang sa dalawang tao ang pupuwedeng sumama sa kakandidato para sa paghahain ng kanyang COC.

Kung tatakbong Presidente, Bise Presidente at Senador, pupuwede siyang magsama ng hanggang tatlong tao.

Kailangang makapagprisinta ang mga kakandidato ng negatibong COVID-19 RT-PCR o antigen test result na dapat ay kinuha sa loob ng 24 oras bago ang paghahain ng COC.

Maliban sa mga kandidato sa pagka-Presidente, Bise Presidente at Senador, kailangan ding magprisinta ng negatibong COVID-19 test result ang mga awtorisadong kinatawan ng kandidato o grupo para sa partylist system; kanilang mga kasama; pati na ang Comelec personnel-in-charge sa pagtanggap ng mga COC, Certificate of Nomination and Acceptance of Nomination; mga pulis at sundalo at media personnel.

Sa paghahain ng COC sa mga tanggapan ng Comelec o sa alinmang receiving office o venue, kailangang masunod ang anim na talampakang physical distancing.

Kailangang surgical mask, N95 o KN95 ang suot na facemask, ibig sabihin ay hindi pupuwede ang telang facemask maliban na lamang kung may dagdag na layer ng surgical mask.

Ang lahat ng papasok sa lugar ng paghahain ng COC ay daraan sa sanitasyon ng mga kamay at foot bath, may health check at pagpapapirma ng Health Declaration Form. Kung may sintomas, hindi na papapasukin at kailangang tumawag na lang ito ng kinatawan para maghain ng COC.

Kung isinailalim sa mas mahigpit na quarantine status ang isang lugar, ituturing na essential activity ang paghahain ng COC at ang kakandidato o kanyang awtorisadong kinatawan ay ikokonsidera bilang authorized person outside of residence o APOR.

Itinakda ang paghahain ng COC simula sa Oktubre 1 hanggang 8, kasama ang Sabado at Linggo, mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.