HINDI pa rin pinapayagan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang outdoor dining at dining services sa National Capital Region (NCR) at Laguna bagamat ibinaba na sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang quarantine status hanggang Agosto 31.
Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, maituturing na “high-risk” ang nasabing mga aktibidad kaya’t hindi nagdesisyon ang gobyerno ang muling pagbubukas nito sa ngayon.
Sa ilalim ng DTI Advisory No.21-16, series of 2021 na ipinalabas nuong Agosto 6, pupuwede ang al fresco dining sa 50% venue capacity habang ang indoor dine-in services ay hanggang 10%.
Gayunman, sinabi ni Lopez na dahil sa banta ng Delta variant ay mapanganib pang mapayagan ang pagkain sa mga restaurant. Pinapayagan naman ang takeout at delivery services sa ilalim ng MECQ.
Samantala, sinabi pa ng kalihim na hindi tulad ng nakaraang implementasyon ng MECQ, bawal muna ang personal care services — beauty salons, barbershops, at nail spas.
Ang mga non-essential retail trade establishment tulad ng clothing and accessories, jewelry, flower, novelty, antique, perfume shops, toy stores, music stores, art galleries, at firearms and ammunition stores na maaaring magbukas sa 50% ng venue capacity.
Maging ang iba pang manufacturing activities, tulad ng electrical machinery, wood products at furniture, textiles, paper products, rubber at plastic products, refined petroleum products, electrical equipment, motor vehicles at transport equipment ay pinayagan ang operasyon sa 50% kapasidad lamang.

