SWAK sa kulungan ang tatlong hinihinalang drug personalities kabilang ang isang babae matapos masakote sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Malabon City kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Jose Francisco, alyas “Joey,” 55 anyos, (Pusher/Identified) ng Orquid St. Brgy. Longos, Caroline Anthony, alyas “Mommy,” 27 anyos, ng Guyabano Road Brgy. Potrero, at Francis Enriq Dychauco, 38 anyos, delivery rider ng Valdez Brgy. Catmon.
Sa report ni PMSgt. Randy Billedo kay Malabon police chief Col. Albert Barot, dakong alas-2:45 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng buy-bust operation sa University Ave., Brgy. Potrero.
Kaagad inaresto ng mga operatiba si Francisco at Anthony matapos bentahan ng P500 halaga ng droga ang isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer, kasama si Dychauco na nakuhanan ng sachet ng hinihinalang shabu.
Nakumpiska sa mga suspek ang humigit-kumulang sa 12.16 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na P82,688, buy-bust money at isang Mitsubishi Grandis na may plakang (BEH 108).
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

