DOLE, tuloy ang serbisyo sa kabila ng pandemya

KAHIT na may umiiral ng pandemya na dulot ng COVID-19, tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) na patuloy itong magbibigay ng serbisyo sa mga manggagawa sa pormal at impormal na sektor.

Kamakailan ay namahagi ang kagawaran ng isang-beses na tulong-pinansiyal na P5,000 mula sa COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) ng DOLE sa mga libo-libong manggagawa sa pormal na sektor na nawalan ng trabaho sa lalawigan ng Iloilo.

Pinangunahan ni Labor Secretary Silvestre Bello III, mga opisyal ng DOLE Regional Office 6 at iba pang pangunahing opisyal ng lokal na pamahalaan ang pamamahagi ng tulong.

Tiniyak din ng kagawaran na mas lalo pa itong magiging masigasig sa pamamahagi ng ayuda para sa mga manggagawa sa pormal at impormal na sektor na patuloy na naaapektuhan ng pandemya.

Bukod sa mga manggagawa sa impormal na sektor, ang mga manggagawa sa pormal na sektor na nawalan din ng trabaho ay maaari ring mag-apply sa cash-for-work program ng DOLE ngayong Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Ito ay sa pamamagitan ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), isang tulong pangkomunidad na nagbibigay ng emergency employment sa mga manggagawang nawalan ng trabaho, mga underemployed, at seasonal na manggagawa.

Sa araw na ito ay tatanggapin ng ating mga manggagawa sa pormal na sektor na nawalan ng trabaho ang tulong ng gobyerno mula sa CAMP. Medyo naantala nga lang ang pagdating sa inyo, pero binabati ko ang libo-libong kababayan natin sa Iloilo na tatanggap ng ayuda mula sa CAMP,” aniya sa isang video message.

Ayon pa sa kalihim, ang pera ng pamahalaan ay pera ng taong-bayan, kaya nararapat lamang na ibigay ito sa mga manggagawa.

Kanya ring hinikayat ang mga manggagawa na magpabakuna kontra-COVID 19. 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.