Mga kawani ng Antipolo, sisibakin matapos mag-positibo sa droga

ANTIPOLO City, Rizal – Sampung kawani ng pamahalaang lungsod ay nakatakdang sibakin sa serbisyo matapos magpositibo sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot sa isang random drug testing na isinagawa kamakailan.

Nahaharap ngayon sa summary dismissal ang mga kawaning nabanggit.

Sa isang social media post, sinabi ni Mayor Andrea Bautista-Ynares na sumailalim sa random drug testing ang hindi bababa sa 3,600 kawani ng lungsod. Sa nasabing bilang, 10 ang nagpositibo, na nasundan pa ng confirmatory drug testing kung saan ganoon pa din ang resulta.

Sila ay magiging subject for termination at administrative sanction alinsunod sa Drug-Free Workplace Policy natin,” ani Ynares.

Gayunpaman, nangako ang alkalde na tutulungan nila ang mga nasabing indibidwal sa pamamagitan ng mga intervention programs sa layong makapagbagong buhay ang mga nasabing kawani.

Tutulungan din natin silang mag bagong buhay at tumigil sa kanilang pag gamit ng iligal na droga. Buhat nang magsimula tayo na magsagawa ng random drug testing sa ating mga empleyado noon taong 2013 ay 88 na ang natanggal sa serbisyo dahil nagpositibo sa drug test,” dagdag pa ng punong lungsod.

Umabot na sa isang milyong piso ang halaga na ginugol ng lungsod sa nasabing drug testing upang matiyak na mananatiling drug-free ang lokal na pamahalaan ng Antipolo City. 

Walang panghihinayang dahil ito ay isa sa ating mga hakbang para masiguro na ang mga kawani at empleyado ng City Hall ay wala sa masamang impluwensiya na dulot ng iligal na droga at ang serbisyo na ating ibinibigay sa ating mga kababayan ay tulad o higit pa ng kanilang inaasahan mula sa atin,” dugtong pa niya.

Bukod sa mga empleyado ng lungsod, kasalukuyan din sumasailalim sa drug testing ang mga kawani ng Bureau of Jail Management and Penology na siyang nangangasiwa sa Antipolo City Jail. Gayundin ang ginagawa sa mga national government agencies na may mga tanggapan sa Antipolo.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.