NADAGDAGAN pa ang bilang ng mga kaso ng Delta variant sa bansa na natukoy sa whole genome sequencing.
Sa ulat ng Department of Health (DOH), UP-Philippine Genome Center (UP-PGC) at UP-National Institutes of Health (UP-NIH), may karagdagang 177 kaso pa ng Delta variant ang nadetect ng mga ahensiyang nabanggit.
Bukod dito, mayroon ding 102 na nadagdag sa kaso ng Alpha variant, 59 kaso ng Beta variant, at 14 na kaso ng P.3 variant, na mga natukoy sa huling batch ng samples na na-sequencee ng UP-PGC.
Sa kabuuan, nasa 10,845 samples na ang na-sequence ng UP-PGC.
Sa ngayon, ang Delta variant ay may kabuuan nang 627 na kaso, kabuuang 2,195 naman para sa mga kaso ng Alpha variant, at nasa 2,421 naman ang kabuuang bilang ng mga kaso ng Beta variant.
Hinimok ng DOH ang publiko na patuloy na magtulungan upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 at iba pang mga variant sa pamamagitan ng patuloy na pagsunod sa mga itinakdang pamantayan para sa kalusugan ng publiko, katulad ng pagsusuot ng face mask at face shield, physical distancing at pati ang paghuhugas ng kamay.
Gayundin, ang pambansang gobyerno kasama ang mga local government unit (LGU) ay patuloy na nagsusumikap upang mapalakas pa ang healthcare system ng bansa, paigtingin ang pagpapatupad ng istratehiya na PDITR o ang Prevent-Detect-Isolate-Treat-Reintegrate, at ang pagpapalawig ng saklaw ng programa ng pagbabakuna ng COVID-19.

