INAPRUBAHAN na ng House Committee on Ways and Means ang substitute bill ng panukalang ilibre sa pagbabayad ng buwis ang mga donasyon, rewards o kahalintulad na insentibong matatanggap ng mga mananalong national athletes at kanilang mga coach sa international sports competitions.
Sa pagdinig ng komite sa pamumuno ni Albay Rep. Joey Salceda, lumusot ang substitute bill ng tatlong panukalang batas at isang resolusyon bagamat maaari pang maamyendahan ang nilalaman nito sa gitna ng isasagawa pang mga deliberasyon.
Ginawang basehan ang panukala ni Salceda na tinatawag na “Hidilyn Diaz Act of 2021” na ang inspirasyon ay si Olympic gold medalist at weightlifting champion Hidilyn Diaz, matapos ang kanyang makasaysayang tagumpay sa 2020 Tokyo Olympics.
Sa substitute bill, aamyendahan ang Republic Act 10699 o National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act upang maging exempted o libre sa pagbabayad ng buwis ang lahat ng uri ng cash gifts, rewards at insentibo para sa national athletes at coaches na mananalo ng bronze, silver at gold medals sa mga international sports competitions tulad ng Olympics, ASEAN games, ASIAN games, Youth Olympic games, at Paralympic games.
Isinusulong din na gawing retroactive ang tax exemption ng mga magwawaging atleta, mula Enero 2021 o hanggang sa katatapos lamang na 2020 Tokyo Olympics.
Aatasan naman ang Bureau of Internal Revenue na maglatag na safety measures upang matiyak na maibibigay ng buo ang cash incentives sa mga mananalong atleta. Samantala, hiwalay na tatalakayin ng Kamara ang panukala para sa tax exemptions sa mga atletang mananalo sa mga lokal na kompetisyon sa bansa.

