PATAY ang 42-anyos na lalaki nang pagsasaksakin at hampasin umano ng tipak ng bato sa ulo ng live-in partner ng kanyang dating kinakasama nang magpang-abot sa bahay ng babae sa Dasmarinas City Cavite, Linggo ng gabi.
Namatay sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Mateo Rivera habang arestado naman ang suspek na si Lito Cabanag, 39.
Sa ulat ni Police Staff Sergeant Gilbert Santos ng Dasmarinas City Police Station, dakong alas-7:30 ng gabi nang naganap ang insidente kung saan lasing na dumalaw sa bahay ng kanyang dating live-in partner na si Maricar Anoc sa Block 35 Lot 14, Brgy San Miguel 1, Dasmarinas City.
Gayunman, pagdating ng biktima sa lugar ay nadatnan niya ang suspek na bagong kinakasama ni Maricar kaya’t sinita siya dahilan upang magkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa hanggang sa kumuha ng kutsilyo ang suspek at pinagsasaksak ang biktima hanggang sa matumba.
Hindi pa nakuntento ang suspek, kumuha pa ito ng malaking tipak ng bato at hinampas sa ulo ng biktima na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.
Tinangkang tumakas ang suspek subalit naabutan siya ng mga rumespondeng barangay tanod.

