Tatlo, arestado sa P183k shabu sa Malabon

SHOOT sa kalaboso ang tatlong hinihinalang sangkot sa ilegal na droga, kabilang ang isang bebot matapos makuhanan ng halos P.2 milyon halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Malabon City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang naarestong mga suspek na sina Jonathan Soriano, alias “Atan,” 31 anyos, ng Tulay  9, Brgy. Daang Hari, Navotas City, Allan Ruthirakul, 49 anyos, at Irene Flores, 42 anyos, kapwa ng 50B Esguerra St. Bisig ng Kabataan, Brgy. 2, Caloocan City.

Ayon kay PSSgt. Jerry Basungit, dakong alas-11 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni Col. Barot ng buy-bust ng operation sa kahabaan ng P. Aquino Ave., Brgy. Tonsuya.

Kaagad inaresto ng mga operatiba ang mga suspek matapos bentahan ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu ang isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng P500 marked money.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigit-kumulang sa 27 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P183,600 at buy-bust money.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.