INANUNSIYO ni Philippine Red Cross (PRC) Chairman/CEO at Senator Richard Gordon na muli siyang nagpositibo sa COVID-19.
Sinabi ni Sen. Gordon sa kanyang anunsiyo na itinawag sa kanya ngayong umaga ng kanilang molecular laboratory sa PRC na ang resulta ng kanyang RT-PCR swab test ay muling nagpositibo.
Aniya, wala naman siyang nararamdamang simtomas sa ngayon at pinayuhan na siya ng kanyang doktor na magpahinga at mag-isolate sa bahay.
Ayon kay Gordon, ginawa niya ang anunsyo upang mapabilis ang contact tracing at maipagbigay-alam sa kanyang mga nakasalamuha na agad mag-isolate at magpa-test.
‘I am making this annoucement in order to speed up the contact tracing process and call on anyone who may have had contact with me to isolate immediately and get tested by RT-PCR,” bahagi ng pahayag ni Gordon.
Sinabi pa nito na siya ay fully vaccinated na at nagpapasalamat ito sa proteksyon na naibigay sa kanya ng bakuna sa ngayon.
“What vaccines offer, as has been documented in countries with high rate of vaccination, is protection against serious illness, hospitalization and death,” dagdag pa ng senador.
Nagpaalala naman ito sa lahat na mabisa pa ring proteksyon ang pagpapabakuna at pagsusuot ng mask at face shield, pagsunod sa physical distancing, at regular na paghuhugas ng kamay.
Aniya ang mga protocols na ito ay dapat na manatili kahit bakunado na kontra COVID-19 lalo na kapag karamihan sa populasyon ay hindi pa nababakunahan.
Matatandaan na tinamaan na rin ng COVID-19 si Gordon may isang taon na ang nakalilipas kung saan mahigit isang dosena niyang tauhan ang nasapul ng naturang sakit.

