NAKIKITAAN ng muling pag-angat ang ekonomiya sa kabisera ng bansa dahil maraming negosyo at trabaho ang umusbong sa unang quarter pa lamang ng taong 2021.
Sa kanyang ikatlong State of the City Address (SOCA), ibinida ni Manila Mayor Francisco Domagoso na sa kabila ng kinakaharap na krisis dahil sa pandemya dulot ng COVID-19, nanatiling matatag ang lungsod ng Maynila.
Aniya, lumobo ang bilang ng mga nagbukas ng kanilang negosyo sa lungsod ngayong unang anim na buwan pa lamang ng taong 2021.
Ayon kay Domagoso, umabot sa 4,829 na bagong negosyo ang nagpatala sa lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila simula lamang nitong Enero 1, 2021 hanggang Hunyo 25, 2021, kumpara sa kaparehong buwan ng taon 2020 na nasa 2,933 lamang at 3,987 noong taon 2019 kung saan wala pang nararanasang pandemya.
Ito, anang alkalde, ay bunsod ng kanilang matinong pamamahala kaya naman tuloy-tuloy din ang tiwala sa kanila ng business sector at mamamayan.
Bukod sa paglobo ng bilang ng mga nagbukas na negosyo, lumikha rin ito ng maraming trabaho para sa maraming tao sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Dahil dito maraming mga mamamayan ng Maynila, partikular ang mga naapektuhan ng pandemya, ang nabigyan ng pagkakataon para sa mga alok na trabaho ng lungsod ng Maynila.
Sa pamamagitan ng Public Employment Services Office (PESO) na pinamumunuan ni Director Fernan Bermejo, umabot sa 11, 630 Manilenyo ang nabigyan ng oportunidad na makapagtrabaho.
Kabilang sa binigyang pagkakataon na makapagtrabaho sa panahon ng pandemya ay ang mga driver ng e-trike at 522 Manilenyo na tinanggap sa Facemask Sewing Livelihood Project.
Ibinahagi din ni Domagoso na tumaas ng 50.71 percent o P6.452 bilyon ang revenue collection ng Manila LGU kung saan nakakolekta sila ng P19,177,099,394.93 mula Hulyo 1, 2020 hanggang Hunyo 30, 2021, kumpara noong Hulyo 1, 2019 hanggang Hunyo 30, 2020 na P12,724,497,831.24.
Maliban sa trabaho at negosyo, marami ring mahihirap ang nabigyang pansin sa pamamagitan ng pagkakaloob ng pabahay sa mga squatters o mga “informal settlers” sa lungsod.
Gayundin ang imprastraktura, seguridad, at pagtugon sa pangangailangang medical ng mga Manilenyo ngayong panahon ng pandemya.

