Nagsagawa ng symbolic vaccination para sa mga education frontliners ang Department of Health (DOH) ngayong Martes na ginanap sa Universidad de Manila.
Bilang bahagi ng A4 priority group, limang education frontliners na binubuo ng janitor, security guard, full-time faculty, information and communications technology director, at empleyado mula sa registrar’s office ang nabakunahan sa symbolic vaccination.
Ang symbolic event ay inilaan upang makatulong na mapalakas ang kumpiyansa sa pagbabakuna dahil ang gobyerno ay nakatakdang magbakuna ng A4 priority population group sa sandaling ang suplay ng mga bakuna ay sapat.
Tulad ng iba pang frontliner sa sektor ng edukasyon, ang mga kawani ng Universidad de Manila ay patuloy na nagtatrabaho upang masiguro na ang kanilang mga estudyante ay makatatanggap ng de-kalidad na edukasyon sa kabila ng paghihigpit na ipinatutupad dahil sa pandemya.
“Ang ating simbolikong pagbabakuna ngayong araw ay ang aming tugon sa dedikasyon at serbisyo ng ating mga manggagawa sa sektor ng edukasyon. Tunay na marangal ang tungkuling ginagampanan ng ating frontliners sa sektor ng edukasyon, kaya’t bilang tugon dito ay nais naming tiyakin ang kanilang kaligtasan. Nawa’y patuloy nating paigtingin ang ating pagkilos tungo sa mas magandang kinabukasan ng ating bansa,” ayon kay Health Secretary Francisco Duque III.
Ang symbolic vaccination ay bahagi ng 27th Founding Anniversary Week ng Commission on Higher Education (CHED).
Nilagdaan ni Presidente Duterte ang Republic Act (RA) 11522 noong February 2021 na nagdedeklara na ang ika-18 ng Mayo bilang “National Higher Education Day” upang gunitain ang founding anniversary ng CHED.
Nitong Mayo 15, nakapagbakuna na ng kabuuang 1.6 milyong doses para sa A1 priority group, 672,000 para sa A2 na pangkat na prayoridad, at 647,000 para sa pangkat na prayoridad ng A3.
Ang A4 priority group ay nauna nang nagkaroon ng simbolikong pagbabakuna sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at mga minimum wage earners noong Labor Day.
Samantala, hinikayat naman ng DOH ang publiko na sumunod pa rin sa minimum public health standards (MPHS) kahit matapos nang bakunahan upang mapigilan ang transmission ng COVID-19.
Hinikayat din ng DOH ang publiko na magpabakuna ng libre kapag panahon na nila sa pamamagitan ng kanilang mga LGUs upang magkaroon ng proteksyon laban sa COVID-19.

