BUKOD sa may-ari ng Gubat sa Siyudad resort sa Caloocan City na nabuking sa kanilang operasyon sa kabila ng ipinapatupad na Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ay sasampahan din ng kaukulang kaso ang barangay chairman na nakakasakop nito.
Sa regular press conference kahapon sa Camp Crame, sinabi ni Eleazar na lumabag ang kapitan ng barangay sa ilalim ng Article 208 o ang kapabayaan sa kanyang tungkulin at bigong maipatupad ang batas.
“Talagang kakasuhan ng PNP itong barangay chairman in the area for violation of Art. 208. They have to justify bakit nahayaan na mangyari ‘yan,” pahayag ni Eleazar.
Iimbestigahan din ng pulisya ang kapitan kung may alam na ito sa operasyon ng resort na napag-alamang nagbukas na simula pa nitong buwan ng Abril ng kasalukuyang taon at hindi nagawang ipahinto.
“This should serve as a lesson and warning again to all others not just the establishments, owners and management, but the barangay chairmen,” dagdag pa ng chief PNP. Ini-atas na ni Eleazar sa pamunuan ng Northern Police District (NPD) ang pagsasagawa ng imbestigasyon.

