NAGPATUPAD na ng balasahan ang bagong pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa pangunguna ni General Guillermo Eleazar kasunod ng pag bakante sa ilang mga sensitibong posisyon sa kanilang hanay.
Sa direktiba ni Eleazar, nasa 11 Police Generals at Colonels ang kabilang sa panibagong rigodon.
Ngayong araw ng Lunes, May 10, 2021 ang epektibo ng reshuffle.
Kabilang sa mga apektado ng paggalaw sa bagong posisyon ay sina Police Major Gen. Bernabe Balba ang PNP-Special Action Force (SAF) Director na itinalaga bilang commander ng Directorates for Integrated Police Operations-Visayas (DIPO-Visayas); Brig. General Nelson Bondoc na itinalagang Police Regional Office 4-B Director; B/Gen. Eliseo Cruz, Regional Police Director ng PRO4A; B/Gen. Jose Hidalgo na inilipat sa National Capital Region Police Office (NCRPO) mula sa DIPO-Western Mindanao; B/Gen. Jimili Macaraeg mula sa Directorate for Logistics na inilipat sa NCRPO; B/General Pascual Muñoz mula sa PRO4B na itinalaga sa Directorate for Logistics; B/Gen. Felipe Natividad mula sa Calabarzon at itinalagang bagong SAF Director; Col. Gregory Bonagbal sa Office of the Chief-PNP; Col. Neri Vincent Diego Ignacio mula sa SAF at itinalaga sa Directorate for Comptrollership; Col. Cesar Pasiwen mula sa Police Regional Office-1 na itinalaga sa SAF; Col Randy Peralta mula sa Office of the Chief-PNP at itinalaga bilang bagong DIPO- Western Mindanao.
Ito ang kauna-unahang balasahan na ipinatupad ni Eleazar matapos maupo sa pwesto nitong Biyernes (May 7, 2021) bilang hepe ng pambansang pulisya.

