APRUBADO na ni Manila Mayor Francisco Domagoso ang paglalabas ng P350 milyong mid-year bonus ng 8,745 city government workers mula sa 2021 executive budget ng pamahalaang lungsod.
Sa ilalim ng Ordinance No. 8702, o “An Ordinance appropriating the amount of twenty billion pesos (PHP 20,000,000,000.00) under the General Fund Executive Budget of the City of Manila for FY 2021,” nasa P350 milyon ang inilaan para sa mid-year bonus ng regular na kawani ng lungsod ng Maynila.
Ang mid-year bonus ay nakatakdang mailipat sa mga payroll accounts ng mga kawani simula Mayo 18.
Sinabi ni Domagoso na ang mid-year bonus para sa mga regular na empleyado ng pamahalaang lungsod ay magpapatuloy kahit na ang buong bansa ay nasa ilalim pa rin ng state of public health emergency.
“Para po maibsan ang hirap na tatahakin ng ating mga manggagawa natin sa pamahalaang lungsod dahil sa COVID-19 pandemic,” sinabi ni Domagoso.
“We are under the State of Emergency in the city of Manila and at the same time, we are under the State of Public Health emergency as declared by the President,” dagdag pa ng alkalde.

