Matagumpay at naging payapa ang pagdiriwang ng kapistahan ng Sto. Nino de Tondo at Pandacan kahapon.
Ito ay dahil na rin sa pagsisikap ng pamahalaang lungsod ng Maynila na maging maayos at matiyak na masunod ang mga ipinatutupad ng pamahalaan na health protocol laban sa COVID-19.
Kasama na din dito ang tulong ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) na walang humpay sa pagpapaalala sa mga indibidwal na sumunod sa ipinag-uutos, hindi lamang ng Department of Health (DOH) kundi maging local na pamahalaang lungsod sa pamumuno ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.
Pinasalamatan naman ng alkalde ang publiko, partikular ang mga deboto dahil sa pagpapairal nila ng kanilang disiplina sa gitna ng pandemyang kinakaharap ngayon sa Maynila at sa buong bansa..
Pinasalamatan din ni Domagoso ang buong puwersa ng MPD sa pamumuno ni District Director P/Brig. Gen. Leo Francisco dahil sa puspusan nilang paghahanda sa pagdiriwang ng mga Kapistahan.
Tulad sa Traslacion, lalong pinaigting ng MPD ang “police visibility” sa mga lugar na sakop ng pagdiriwang ng Kapistahan ng Sto. Niño partikular na sa Tondo at Pandacan.
Mahigpit na ipinatupad ang mga umiiral na batas at kautusan ng alkalde tulad ng pagsusuot ng face mask, liquor ban, at pagsunod sa health protocols tulad ng physical distancing.
Ipinatupad din ng MPD ang “zero vendor” at “zero obstruction” sa paligid ng simbahan sa Tondo at Pandacan kaya’t naging maayos, maaliwalas at maluwag ito para sa mga deboto na nagsimba at nakiisa sa Pista ng Sto. Niño.
Batay naman sa datos ng MPD, umabot lamang sa kabuuang bilang na 26 ang lumabag sa ipinapatupad na liquor ban sa Tondo at Pandacan nitong nagdaang kapistahan.

