Napatay ang isang di-umano ay aktibong miyembro ng isang criminal gang sa Rosario, Cavite kagabi matapos magsagawa ng buy-bust operation sa Barangay Sapa 3, Rosario, Cavite.
Tinukoy ni Police Lt.Col. Joewie Bantoto Lucas, Chief of Police ng Rosario Municipal Police Station (MPS) ang suspek na si Arcie Surin alyas Arcie, walang trabaho at residente ng Brgy. Wawa 2, Rosario, Cavite.
Nagsagawa ng buy-bust operation sa nasabing lugar ang pinagsanib na pwersa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), Rosario MPS at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 4-A, kung saan umaktong bibili ng shabu ang isang pulis sa suspek .
Nang maamoy ni Surin na pulis ang kanyang katransaksyon ay binunot nito ang kanyang kalibre .38 ng baril at nakipagbarilan sa mga awtoridad.
Humantong sa pagkamatay ng suspek ang barilan matapos itong tamaan ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan.
Narekober naman ang kalibre .38 na ginamit ng suspek at isang Heat-Sealed Transparent Plastic Sachet (HSTPS) na may lamang hinihinalang shabu at P500 na marked money
Napag-alaman na si Surin ay kabilang sa Bautista Criminal Gang na nagsasagawa ng mga ilegal na aktibidad tulad ng pagnanakaw ng mga motorsiklo at iba pang serye ng pagnanakaw sa bayan ng Rosario at ilang kalapit na lugar sa Cavite.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa nasabing krimen.