POSIBLENG aabutin pa rin umano ng isang milyon ang dadagsang mga deboto sa Quiapo bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Itim na Nazareno.
Ito ay ayon kay MPD Director Police Brig. General Leo Francisco sa ating pakikipagpanayam.
Ayon kay Francisco, ang nasabing bilang ay sa pangkalahatang pagtaya na sa buong araw na pagdaos ng misa hanggang huling misa ng alas 10 mamayang gabi.
Bagamat dumagsa aniya ang deboto ng madaling araw ang mga deboto na sa kanyang pagtaya ay umabot sa 400 libo ay nakontrol naman aniya ng kapulisan ang crowd upang maipatupad ang social distancing.
Aminado naman si Francisco na malaking hamon sa kanilang hanay ang pag-maintain ng social distancing dahil maliit ang espasyo lalo na sa bahagi ng Quezon Boulevard at Palanca St.
Nanawagan naman si Francisco sa mga deboto na sumunod sa IATF protocol upang hindi magkaroon ng problema.
Sa ngayon ay kakaunti na lamang ang mga deboto na nagtutungo sa Quiapo kung saan sa huling pagtaya ng MPD ay nasa mahigit 10 libo na lamang.
Lagi aniyang nagpapaalala ang kapulisan na ang panganib ng Covid-19 ay andyan pa rin kaya tignan aniya ito para magkaroon pa ng maraming Traslacion sa susunod na mga taon.
Samantala, ipinapatupad pa rin ng MPD ang maximum tolerance ngunit kung kinakailangan umano na arestuhin ang mga violators o pasaway ay kanila itong gagawin.

