IN PHOTO: ANG pinekeng larawan sa bahagi ng Quezon Boulevard sa gilid ng Quiapo Church na sinasabing kagagawan ng ilang pulitiko na nais siraan si Manila Mayor Isko Moreno. (JONAH AURE)
NANGGAGALAITI sa galit si Manila Mayor Isko Moreno matapos kumalat sa social media ang larawan ng pagdagsa ng mga deboto na magkakadikit at lumabag sa minimum health protocols gaya ng social distancing.
Sa kanyang Facebook Live, ipinakita ni Moreno ang live video ng mga kaganapan patikular na sa labas ng simbahan ng Quiapo kung saan makikita na maayos namang nasunod ang health protocols.
Namigay pa ng face masks at face shield sa nga deboto ang pamahalaang lungsod ng Maynila.
“Sa mga tolongges na pulitiko, masyado kayong atat!, pag malaman ko lang kung sino ang kandidato ninyo sa pagka-Presidente, peperwisyuhin namin kayo sa Maynila”, banta pa ng alkalde.
Sa Facebook post ng isang netizen, pinakita ang dikit dikit na mga deboto sa kahabaan ng Quezon Boulevard na malinaw na lumabag sa social distancing.
Duda ni Moreno, kagagawan ito ng mga bayarang media na bata ng mga pulitiko upang sirain siya.
Samantala, mismong si Manila Police District (MPD) Chief Police Brig. General Leo Francisco ang nagsabi na nasa 400,000 ang crowd estimate. Hindi naman nagkaroon ng kumpulan dahil come and go naman ang mga tao.
Bagama’t mahigpit na ipinatupad ang health protocols ay hindi pa rin naiwasan na nalabag ang social distancing sa ibang lugar.
Naging hamon lang sa pulisya ang pagsita sa ilang senior citizens na halatang nagsisinungaling sa edad.
Batay naman sa report ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Office (MCDRRMO), isang babae ang malubhang nasugatan ng mabalian ito ng kanyang braso ng mawalan ito ng balanse sa kalagitnaan ng pamimigay nito ng mineral water sa mga deboto habang tatlong deboto rin ang nahimatay dahil sa pilit na makalusot sa controlled point patungong Quiapo Church.