9 patay sa malawakang pagbaha sa Cagayan province; state of calamity idineklara

NASA ilalim na ngayon ng state of calamity ang buong lalawigan ng Cagayan kasunod ng malawakang pagbaha na ikinasawi na ng siyam na residente.

Inihayag ni Cagayan Governor Manuel Mamba na napagdesisyunan ng Sangguniang Panlalawigan ang deklarasyon matapos na magdulot ng matinding pagbaha sa probinsya nang dumaan ang bagyong Ulysses.

Nabatid kay Mamba na sa 9 na nasawi sa lalawigan, 4 ang namatay sa landslide, dalawa sa pagkalunod at tatlo sa electrocution.

Ang pinakahuling namatay ay isang rescuer matapos na makuryente umano sa linya ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Mga residenteng naipit sa mga bubungan, mahigit 3 araw nang walang makain

Marami pang mga residente sa Cagayan ang tatlong araw nang nananatili sa rooftop o bubungan ng kanilang mga bahay nang walang makain o mainom at hindi tiyak kung kailangan darating ang saklolo.

Ayon kay Ramilo Lagundi, residente ng Zone 6, Linao East, Tuguegarao City, halos isandaan silang nasa bubungan lamang dahil sa pinasok na ng baha ang kanilang mga bahay.

“Marami pong nandito nalang sa mga bubong dahil sa baha sa lugar namin… sa purok namin po kulang-kulang isang daan po. Wala po kaming makakain, walang tubig. Nananawagan po kami ng rescue,” pahayag ni Lagundi sa panayam sa radio.

Sinisikap na ng mga rescuer na masagip pa ang mga na-stranded na residente. Aabot na umano sa 3,700 personnel ang nai-deploy sa Cagayan at Isabela.

‘Hindi kami makaikot’ – Mamba

Aminado naman si Mamba na nahihirapan sila sa search and rescue operations dahil nakalubog pa rin sa baha at hindi madaanan ang mga pangunahing lansangan sa lalawigan.

“Hindi ho kami makaikot. Wala pong madaanan. Sarado lahat. It is only through water and hindi ka naman makalayo,” ani Mamba.

“Ang highway dito underwater. Iyong buong valley from Cordillera to Sierra Madre puno ho lahat yan ng tubig. Hindi mo na ma-discern from above saan ang Cagayan, saan ang highway,” dagdag pa nito.

Kahit aniya ang mga entry point sa probinsiya sa pamamagitan ng Aparri at Isabela ay lubog sa baha at hindi madaanan.

Mga residente sa Cagayan, gustong  kasuhan ang Magat Dam

Gigil na umano ang ilang mga residente sa Cagayan na makasuhan ang pangasiwaan ng Magat Dam na sinisisi ang pagpapakawala nito ng tubig kaya’t nalubog sa baha ang lalawigan.

Ayon kay Mamba, nuon pa man ay hinihimok na siya ng mga residente ng lalawigan na maghain ng class suit laban sa Magat Dam dahil taun-taon ay nagdudulot ng pagbaha sa lalawigan ang pagpapakawala nito ng tubig lalo na kung may bagyo.

“Minsan ang tao sa Cagayan, gusto nila magkaron ng lawsuit against them [Magat Dam] for damages dahil wala naman kami nakikita (na benepisyo) sa Magat Dam o kahit ano, yet we suffer the flooding woes from the Magat Dam every year,” diin ni Mamba.

Tinukoy nito na ang irigasyon mula sa Magat Dam ay sa Isabela dumidiretso at hindi sa Cagayan.

“Ang Magat Dam kahit isang ektarya, walang nai-irrigate sa Cagayan. Iyong 80,000 hectares [na nai-irrigate] is all part of Isabela [pero] ang nagsu-suffer po ay Cagayan,” dagdag pa ng gobernador.

Iginiit pa ni Mamba na makabubuting ayusin at patatagin ng Magat Dam ang kanilang watershed upang hindi agad basta-basta nagpapakawala ng tubig.

“May kaunting pagkukulang rin po naman siguro sila kasi sa tingin ko hindi dapat biglaan naman [ang pagtaas ng tubig]. Dahil kung maganda po ang watershed nila, I don’t think kahit maraming ulan, hindi po biglaan din ang dating ng tubig sa dam, if you have a good watershed and maho-hold naman niya ang tubig,” paliwanag pa nito.

2 gate ng Magat Dam, nagpapakawala pa rin ng tubig

Hindi pa umano kakayanin na maisara ang dalawang gate ng Magat Dam na nagpapakawala ng tubig dahil sa laki ng bumabagsak ding tubig sa reservoir.

Ayon kay PAGASA hydrologist Edgar Dela Cruz, hanggang alas-12 ng tanghali ng Sabado ay nasa 192.19 meters na ang tubig sa dam.

Dalawang gate ng Magat Dam ang nakabukas ng apat na meter upang dahan-dahang mabawasan ang antas ng tubig nito.

“Hindi po pupuwedeng isara ‘yung mga gate ng dams po natin dahil po may mga malaki pang volume na pumapasok o inflow sa mismong reservoir ng Magat Dam,” paliwanag ni Dela Cruz.

“Kung isasara po natin ‘yan, just imagine sa isang oras, mga 3,600 seconds po ‘yun sa isang oras eh. Kung imu-multiply natin doon sa 860 cubic meters, napakalaking volume po ng tubig ‘yun na baka po sa loob lang ng isang oras, masyado nang mataas ang elevation ng Magat at lalo po tayong mahirapan na i-release ‘yun after ng sinasabi nating interval,” dagdag nito.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.