57 lugar sa NCR, naka-lockdown – DILG

AABOT sa 57 lugar sa National Capital Region ang nasa ilalim ngayon ng granular lockdown dahil sa mga kaso ng COVID-19.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya, halos lahat na ng lokal na pamahalaan sa Metro Manila ay may mga lugar na naka-lockdown.

Gayunman, hindi na binanggit ni Malaya ang mga lugar sa NCR na pinagbabawalan muna ang pagpapalabas at pagpapasok ng mga residente at bisita.

Kasalukuyang pinaiiral ang pilot implementation ng Alert Level 4 kasabay ng pagpapatupad ng granular lockdown sa mga lugar na may mataas na kaso at hawaan ng COVID-19.

Ang lokal na pamahalaan ang tumutukoy sa mga itinuturing na critical zone sa kanilang nasasakupan.

“Doon sa sinasabing issue tungkol sa warning, nasa kamay na po ‘yan ng mga local government units kung anong klaseng warning ang kanilang gagawin. We will leave it now to the discretion of the local government units kung sila ba ay biglang magla-lockdown lamang o magbibigay sila ng advanced warning,” ayon kay Malaya.

Samantala, sinabi rin ni Malaya sa ngayon ay maituturing pa naman na maayos ang implementasyon ng Alert Level 4 sa Metro Manila “So far, so good coming from the reports from various local government units in Metro Manila. They have deployed their inspectors to different establishments, checking on the vaccination of individuals who have been going on dine-in in the restaurants because we allowed dine-in,” dagdag pa ng opisyal

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.